Ang Tanggapan ng Punong Lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng Kawanihan ng mga Turismo at Kapakanang Pangkultura ng Maynila at sa pakikipagtulungan ng Sangay ng mga Paaralang Lungsod ng Maynila sa ilalim ng asignaturang Filipino ay nagdaos ng “Patimpalak Panglungsod: Sabayang Bigkas” sa Liwasang Andres Bonifacio na nilahukan ng anim na paaralan mula sa anim na distrito ng Lungsod ng Maynila.

          Ang gawain na ito ay may malaking kinalaman sa pagpapaunlad ng ugnayang turismo sa Lungsod ng Maynila at pagpapanatili ng kultural na kakanyahan ng Sambayang Pilipino at pagtalima na rin sa Taunang Pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa Buong Bansa sa pangunguna ng Komisyon ng Wikang Filipino (WKF) na may temang Wikang Katutubo:Tungo sa isang Bansang Pilipino.

          Mula po sa amin, kami ay nagagalak sa lahat ng nakilahok sa ating programa, sapagkat lahat tayo ay panalo, ang Dr. Juan Nolasco High School, Florentino Torres High School, Doña Teodora Alonzo High School, Ramon Magsaysay High School, Pres. Corazon Aquino High School, at ang Eulogio “Amang” Rodriguez Vocational High School.  Tunay na ikinararangal namin ang galing at husay ng mga Batang Maynila.

          Muli, ating dalhin ang bandila. Maligayang Pagdiriwang ng Buwan ng Wika! – Manila Tourism & Cultural Affairs Bureau. Pinarangalan din ang mga sumusunod na nagwaging paaralan: IKALAWANG PARANGAL – Florentino Torres HS; UNANG PARANGAL – President Corazon C. Aquino HS; KAMPEON – Doña Teodora Alonzo HS.

Social media & sharing icons powered by UltimatelySocial